Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Manila City Government upang matiyak ang ligtas at payapang pagdaraos ng Mahal na Araw sa lungsod.
Nabatid na pinakilos na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lokal na kapulisan at ang lahat ng concerned departments, offices at bureaus upang maghanda na sa kanilang papel na gagampanan sa nalalapit na relihiyosong okasyon.
Inatasan ni Lacuna si Manila Police District (MPD) Director, PBGen. Andre Dizon, na tiyakin na sapat ang bilang ng mga police personnel na itatalaga sa lahat ng Simbahan at sa paligid nito upang maiwasan ang posibilidad ng pagkalat ng mga elementong kriminal na mambibiktima ng mga taong tutungo sa mga Simbahan.
Binigyan rin ng direktiba rin ng alkalde ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa ilalim ni Zeny Viaje na tiyakin na malaya ang daloy ng trapiko, gayundin ang galaw ng mga pedestrians sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga taong magsasagawa ng ‘Visita Iglesia.’
Ang Visita Iglesia ay ang tradisyunal na pagbisita ng mga Katoliko sa may 14 na Simbahan sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Arnel Angeles naman, ay inatasan din ni Lacuna na magtalaga ng mga tauhan sa lugar malapit sa mga Simbahan, upang agarang makatugon sakaling magkaroon ng emergencies.
Nakaalerto na rin naman ang Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan, gayundin ang anim na district hospitals, upang tumanggap ng emergency cases at iba pang occasion-related incidents.
Kabilang pa sa pinaghahanda ni Lacuna ay ang Department of Public Services na magtalaga ng sapat na mga tauhan upang mapanatili ang kalinisan sa lungsod, lalo na mga lugar malapit sa simbahan kung saan dagsa ang mga tao.
Ayon kay Lacuna, dahil ito ang kauna-unahang pagdiriwang ng Mahal na Araw, pagka-alis ng karamihan sa COVID-19 protocols, inaasahan na nilang dadagsain ng mga Katoliko ang napakaraming Simbahan upang manalangin.
Dahil dito, mahalaga aniya ang pagsasagawa ng maraming paghahanda sa bahagi ng local government unit (LGU).Idinagdag pa ni Lacuna na kahit pista opisyal ang Mahal na Araw, ang pamahalaang lungsod ay nagtatalaga pa rin ng sapat na bilang ng tao upang matugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan sa ganitong okasyon.