Nanatiling pinakamahirap na sektor sa Pilipinas ang mga mangingisda at magsasaka noong 2021, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Biyernes, Marso 24.
Sa preliminaryong pagtataya ng PSA, nagkaroon ng pinakamataas na poverty incidence rate na 30.6% ang mga mangingisda noong 2021, habang pumangalawa naman ang mga magsasaka na may 30%.
Ayon sa ahensya, ang nasabing 30.6% poverty incidence rate para sa mga mangingisda ay tumaas kung ikukumpara sa 26.2% na datos nito noong taong 2018.
"Comparing 2018 and 2021, significant increases in the poverty incidence were recorded in most of the basic sectors with fisherfolks having the largest increase of 4.4 percentage points," saad ng PSA.
Medyo bumaba naman umano ang poverty incidence rate ng mga magsasaka matapos maging 30% noong 2021 ang dating 31.6% umanong datos nito noong 2018.
Gayunpaman, nananatili pa rin ang sektor ng mga magsasaka sa pinakamahirap sa Pilipinas, kasunod ng mga mangingisda.
Kasunod naman umano ng mga mangingisda at magsasaka pagdating sa pinakamahirap na sektor ang hanay ng mga bata na may 26.4% poverty incidence rate, at ang mga indibidwal na naninirahan sa rural areas na may 25.7% poverty incidence rate.
"These sectors had the highest proportion of individuals belonging to families with income below the official poverty thresholds compared to the other basic sectors," saad ng PSA.
Pagdating naman sa populasyon, ang tatlo umanong nangunang sektor na may pinakamataas na bilang ng mahihirap noong 2021 ay ang mga indibidwal na naninirahan sa rural areas (13.67 million); mga bata (10.46 million); at ang kababaihan (9.99 million).
Samantala, ang top three basic sectors naman umano pagdating sa pinakamaliit na bilang ng mahihirap noong 2021 ay ang mga persons with special needs na may edad na 15-anyos pataas (271 thousand); mga mangingisda (348 thousand); at mga senior citizen (1.02 million).