BATANGAS -- Arestado ang isang lalaki na umano'y miyembro ng crime group matapos na makumpiskahan ng mga baril at bala nitong Linggo, Marso 26, sa Brgy. Balagtas ng lalawigang ito.
Inilunsad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Field Unit at Batangas City Police ang 'Oplan Paglalansag Omega at Salikop,' at sila'y nagsagawa ng buy-bust operation laban sa mga loose firearms.
Inaresto ng Tracker Team ng Batangas CIDG ang suspek na si Bryan Montejo, miyembro ng Rapol Crime Group, dahil sa paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Nakumpiska ng mga pulis mula sa suspek ang isang kalibre .9mm, isang kalibre .22 rifle, tatlong magazine para sa kalibre .22, at caliber 9mm,10 basyo ng bala para sa kalibre .9mm, apat na bala para sa kalibre .22, isang suppressor, isang Mitsubishi Space Wagon, at marked money.
Ayon sa ulat, sangkot ang umano'y suspek sa gun-for-hire at gun-running activities na nag-o-operate sa Tanauan City at iba pang lugar sa lalawigan ng Batangas.
Ang Modus operandi ng suspek ay gumagamit ng social media para sa ilegal na transaksyon at gumagamit ng mga larawan ng mga lisensyadong baril bilang front para akitin umano ang mga customer sa isang sinasabing lehitimong transaksyon, pagkatapos ay nag-aalok umano ng mga hindi lisensyadong baril para sa mas malaking kita, dagdag pa ng ulat.