Binigyang-diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. nitong Lunes, Marso 27, na malakas ang ebinsyang hawak nila laban sa umano’y mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4.
Nasawi si Degamo at walo pang sibilyan na nadamay matapos siyang pagbabarilin ng mga armadong indibidwal sa harap ng bahay nito habang siya ay nakikipag-usap sa ilang mga benepisyaryo ng 4Ps.
BASAHIN: Negros Oriental Gov. Degamo, pinagbabaril, patay!
Ayon kay Abalos, halos lahat sa mga suspek sa likod ng nasabing ambush ay hawak na ng mga awtoridad.
“Just so, baka mamaya sabihin niya everyone is deemed innocent until his guilt is proven but right now this is what I assure him or kung sino man ang mastermind nito: malakas na ang aming ebidensya ngayon,’’ saad ni Abalos.
Binanggit din ng DILG secretary na bukod sa testionya ng mga suspek, hawak na rin umano ng mga awtoridad ang ibang ebidensya tulad ng firearms, ammunition, at explosive devices.
“Yung mga ebidensya, ‘yan nasa harap ninyo, napakarami at hindi pa ‘yan. Hindi lang namin dinala dito yung IED, ano ba yung IED. Sa ating mga kababayan ito ay improvised explosive
device. ‘Yung talagang sumasabog na puwede mo gamitin yung cellphone mo,’’ ani Abalos.Ipinakita rin umano ni Abalos ang mga larawan at video ng backhoe na naghuhukay sa compound ng dating gobernador na si Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves, kung saan umano natuklasan ang ilang mga ebidensya. Ang mga nasabing larawan at video ay upang iwaksi umano ang maaaring paratang na “planted” lamang ang mga animo’y nasamsam na ebidensya.
“These are overwhelming evidence by themselves so I am asking the mastermind, huwag mo na parusahan pa sarili mo. Sumuko ka na at sa iba pang nakakaalam rito. He is a devil,’’ saad ni Abalos.
Nito lamang ding Lunes ay isiniwalat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isa si 3rd District Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo.
BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla
Ipinahayag naman ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Cong. Teves Jr. na hindi na sila nasurpresa sa sinabi ni Remulla at nanawagang itigil na ang “trial by publicity”.
BASAHIN: Abogado ni Teves sa tinitingnang ‘mastermind’ sa Degamo-slay case: ‘We are not surprised’