Halos bumalik na sa normal ang sitwasyon sa Pola, Oriental Mindoro dahil na rin mabilis na pagtugon ng gobyerno sa epekto ng oil spill.

Ito ang reaksyon ni Department of National Defense (DND) officer-in-charge, acting National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) chairperson Carlito Galvez, Jr. matapos bumisita sa lalawigan nitong Sabado, kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan.

Aniya, epektibo ang agarang aksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya upang malinisan ang karagatang sakop ng Oriental Mindoro, kasama na ang Pola.

Sa isinagawang aerial survey, sinabi ni Galvez na mga "patches" na lamang ang nakita sa karagatang sakop ng Pola at wala na umano ang maiitim na langis.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

"Tama ang ating mahal na Presidente na hindi na natin kailangan na magkaroon ng oil spill czar dahil nakita natin na napakaganda ng response ng ating local Incident Command Post kasama si Mayor [Jennifer Cruz] at ang PCG, Armed Forces of the Philippines, lahat ng local government unit at iba pang ahensya," ani Galvez.

Nasaksihan din aniya nito ang halos buong araw na offshore response operations ng BRP Bagacay (MRRV-4410) at Malayan Towage and Salvage Corporation na may layuning matigil ang pagtagas ng langis mula sa 23 butas at bitak, base sa survey na rin sa nakita ng Remotely Operated Vehicle (ROV).

Nanawagan din si Galvez ng karagdagang tulong mula sa mga eksperto upang mas mapabilis ang pagsasagawa ng "patching" at "siphoning" ng langis sa loob ng MT Princess Empress.

Matatandaang lumubog ang naturang oil tanker sa Naujan, Oriental Mindoro sa gitna ng paglalayag nito patungong Iloilo mula Bataan, karga ang 800,000 litrong industrial fuel oil nitong Pebrero 28.