Ngayong napababalitang magbababu na sa ere ang noontime show na "Tropang LOL" ng Brightlight Productions na umeere sa TV5, naitsika ng showbiz insider at talent manager na si Ogie Diaz na inalok pala ang mga komedyante at hosts nitong sina Bayani Agbayani at Wacky Kiray na bumalik sa "I Can See Your Voice" ng ABS-CBN bilang sing-vestigators.
Matatandaang sina Bayani at Wacky ay dalawa sa original sing-vestigators o tagakilatis kung sino sa invited guests ang "SEEn-tunado" o "SEEnger" na huhulaan naman ng celebrity contestant. Ito ay franchise ng Kapamilya Network sa mystery musical game show mula pa sa South Korea hosted by Luis Manzano. Ngayong 2023 ay nasa ikalimang season na ito kasama sina Long Mejia, Angeline Quinto, MC Muah, Lassy, at ang pumayag na magbalik na si Bayani.
Si Wacky naman daw ay tumangging bumalik dahil mas pinili nitong magpokus sa Tropang LOL.
Kaya lang ang siste, tila nagsisisi raw si Wacky ngayon na hindi niya tinanggap ang offer matapos malamang matsutsugi na nga ang kanilang noontime show, na may definite date na.
Samantala, wala raw nabanggit ang source ni Ogie kung inalok din bang bumalik si Alex Gonzaga na isa sa mga original na sing-vestigators.
Ang nabanggit lang daw ng impormante ni Ogie, tanggap na nina Alex at maging si Billy Crawford na kailangan na nilang magbabu sa ere.
"Ang binanggit lang ng rating source ay nag-pray na lang si Alex. Tinanggap ang katotohanan na mawawala na ang LOL at puro tungkol kay God ang kaniyang binabanggit para mas palakasin pa ang loob ng kaniyang mga kasama," sey ni Ogie sa kaniyang showbiz-oriented vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update."
Si Bayani naman, ayon sa panayam ng PEP, ay nagpakatotoong nanghihinayang sa pagtatapos ng LOL subalit iginagalang daw niya ang desisyon ng management. Nagpasalamat din siya sa TV5 sa pagtanggap sa kanila.
“Para sa akin, nakakahinayang dahil sa maiksing panahon ng Tropang LOL, maayos naman ang rating namin. Pero siyempre, dapat din nating igalang ang desisyon ng network, dahil bilang employee, ang employer talaga ang may say sa desisyon ng kaniyang negosyo,” aniya.