Iniulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na umaabot sa mahigit P271.3 milyon ang halaga ng tulong medikal na kanilang naipagkaloob sa halos 40,000 indigent patients sa unang dalawang buwan ng taong 2023.

Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni PCSO chairperson Junie Cua na ang naturang halaga ay naipagkaloob nila sa may kabuuang 39,725 indigents na may health-related problems mula Enero 9 hanggang Marso 3, sa ilalim ng kanilang Medical Assistance Program (MAP).

“Inaasahan natin na mas marami pa tayong matutulungan sa mga susunod na panahon,” ayon pa kay Cua.

“Sang-ayon na rin po sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand. R. Marcos Jr., patuloy po kaming nagsisikap upang mapaigting ang aming paglilingkod para mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan,” pagtiyak pa niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabatid na ang MAP ng PCSO ay isang partnership sa mga government at private hospitals, health facilities, medicine retailers, at iba pang partners.

Kabilang sa mga serbisyong sakop ng programa ay hospital confinement, erythropoietin (dialysis injection), chemotherapy drugs, specialty medicines, hemodialysis, laboratory (blood chemistry), diagnostic, at imaging procedures, at implant/medical devices.

Sa pamamagitan ng MAP, nakapagkaloob na ang PCSO ng mahigit sa P2 bilyong halaga ng direct medical assistance sa mahigit 255,000 beneficiaries noong 2022.

“Mandato po ng PCSO ang tumulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng medical assistance, iba't ibang institutional partnerships, pamimigay ng mga ambulansya at medical equipment at iba pang mga programa para mas marami pang Pilipino ang makadama ng kalinga ng ating pamahalaan,” ayon pa kay Cua.