CAMP DANGWA, La Trinidad, Benguet - Nasa 12 katao ang dinakip matapos umanong maaktuhan ng mga awtoridad na nagpuputol ng mga puno sa kabundukan ng Sitio Makilo,Barangay Calaccad, Tabuk City, Kalinga, nitong Marso 24.

Kinilala ang mga naaresto na sina Tiggangay Malana Dumirag, 69;Johndee Tumines Wecca, 29; Eddie Camangian Osalla, 52; Jake Balingwa Osalla, 19;JewardGusawilSibayan, 22; Jody Manalay Dumirag, 42; Oliver Manalay Gammad, 25; Garry Massinnac Gadduang, 46; Ohjie Manalay Gammad, 20; Rodel Dumirag Banno-oy, 46; Rogelio Soyung Gallamoy, 52 at RamonLingogDumirag, 65, pawang taga-Sitio Makilo, Brgy. Calaccad, Tabuk City.

Ipinaliwanag ni Police Regional Office-Cordillera director, Brig. Gen. David Peredo, Jr., tumugon ang mga tauhan ng 1st Kalinga Provincial Mobile Force Company at Tabuk City Police Station sa panawagan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Kalinga kaugnay ng illegal logging activity sa lugar.

Pagdating ng mga rumespondeng tauhan, nadatnan nila ang isang grupo ng mga lalaking gumagawa ng kaingin kung saan ilang sari-saring puno ang pinutol at ginawang tabla.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Inaresto ang mga suspek at kinumpiska ang dalawang chainsaw na ginagamit sa illegal logging operation.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 705 (Revised Forestry Code of the Philippines) at Republic Act 9175 (Chain Saw Act of 2002).