Hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Biyernes ang lahat ng solo parents at persons with disability (PWDs) sa Maynila na kuhanin na ang kanilang unclaimed allowances sa City Hall.
“Please coordinate with our department of social welfare (DSW) to get your unclaimed allowance,” anang alkalde.
Ayon sa alkalde, inaalam pa ng city government ang dahilan kung bakit hindi nakukuha ng mga beneficiaries ang kanilang cash aid sa takdang oras.
Ibinunyag ng alkalde na natuklasan nila na libu-libong benepisyaryo pa ang hindi nakakuha ng allowance mula sa isinagawang payout sa huling bahagi ng taong 2022.
Base sa ulat ni DSW chief Re Fugoso, nabatid na mula sa 30,046 total PWD beneficiaries, nasa 19,993 lamang ang na-claimed habang 8,936 ang unclaimed.
Nasa 1,117 naman ang invalidated o inalis sa listahan.
Sa kaso naman ng solo parents, sinabi ni Lacuna na mula sa kabuuang 17,948 beneficiaries, 10,965 lamang ang nakapag-claim ng cash aid, 5,230 naman ang unclaimed at 903 ang invalidated.
Pinuri naman ng alkalde si Fugoso at ang kanyang grupo sa mabilis na distribusyon ng naturang mga benepisyo.
Umapela rin siya ng pang-unawa sa pag-invalidate sa ilang beneficiaries.
Paliwanag niya, “Medyo mahigpit kami dito, ipagpaumanhin po ninyo, pero meron tayong mga kababayan claiming to be solo parents pero pag dinalaw, hindi pala."
Dagdag pa niya, “Kami po ay sumusunod lamang sa panuntunan kasi pondo po ‘yan ng lungsod. Hindi pwedeng gastusin nang kaliwa’t -kanan at kailangan din naming i-liquidate yan. Dapat yung release ng pondo ay tama at naibibigay na tama kaya ipagpaumanhin nyo.”
Nabatid na ang bawat solo parent at PWD sa lungsod ay nakakatanggap ng tig-P500 cash aid mula sa local government kada taon, bilang bahagi ng social amelioration program ng lungsod.
Ang naturang batas ay binuo at ipinasa noong si Lacuna pa ang Presiding Officer nt Manila City Council, ang posisyong hinawakan niya noong siya ay bise alkalde pa la.ang ni dating Mayor Isko Moreno.