Bumisita at nagkaloob ng tulong si Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Biyernes, Marso 24, sa mahigit 40 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Sikap Compound Ismar sa Barangay Kalawaan, Pasig City.

Nasa 43 pamilya o 132 indibidwal umano ang binisita ni Sotto, kasama si City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Chief Bryant Wong, sa Isma Covered Court Evacuation Center para kumustahin ang kanilang kalagayan.

Ayon sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), tinatayang 70 pamilya o 217 indibidwal ang kabuuang bilang ng mga naapektuhan ng sunog, ngunit pinili ng ibang makituloy na lamang sa iba nilang kamag-anak, sa halip na manatili sa evacuation center.

Sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP), nangyari ang sunog noong Huwebes ng madaling araw, Marso 23. Itinaas umano ito sa third alarm bandang 5:10 ng umaga habang naideklara ang “fire out” dakong 5:37 ng umaga.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Tatlo umano ang nasugatan, habang nasa 54 bahay naman ang ganap na nasira at 16 ang bahagyang nasira.

Nagkaloob naman ang lokal na pamahalaan ng food packs sa nasabing mga biktima ng sunog. Makatatanggap din umano ang mga ito ng cash assistance na P10,000 para sa may-ari ng bahay o lupang nasunog, at P5,000 para sa mga nagrerenta umano ng bahay.

Ang nasabing cash assistance ay para umano sa initial house rentals o kaya naman ay pagbili ng mga materyales para sa konstruksyon ng bahay ng mga nabiktima ng sunog.

Ayon sa CSWDO, nasa 27 house owners, 20 renters, at 23 sharers ang mga pamilyang nasunugan.

Magkakaloob naman umano ang Pasig Community Kitchen ng pagkain para sa mga biktima sa darating na Lunes, Marso 27.