Ikinatuwa ni Manila City Councilor Dr. Lei Lacuna, pangulo ng Liga ng mga Barangay (LnB), ang desisyon ng Commision on Election (Comelec) na ipagpaliban sa Agosto ang petsa ng paghahain ng certificates of candidacy (CoCs) para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Sa kanyang pagdalo sa MACHRA's Balitaan sa Harbour View forum ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) nitong Biyernes, sinabi ni Lacuna na pabor ang mga barangay sa naturang desisyon ng Comelec dahil makapagbibigay ito sa kanila ng sapat na panahon upang maipatupad ang kanilang mga proyekto nang hindi naaakusahan ng pamumulitika o premature campaigning.

"Mas okay 'yun para sa amin. Nagulat nga kami na na-schedule ng maaga, supposed to be.  Mas pabor sa amin (rescheduling) kasi maiiwasan rin namin na masabing namumulitika," aniya.

Ipinaliwanag ni Lacuna, na siyang chairman ng Barangay 609 sa Sta. Mesa, Manila, na bawat barangay ay may nakahanay nang proyekto na kailangang ipatupad para sa kapakanibangan ng kanilang mga constituents.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

"Marami kaming project na kailangang gawin so, pag nag-file 'yung iba ng July baka sabihin ng mga residente ginagamit namin ang budget ng barangay which is hindi naman kasi dapat ang barangay, lagi naming nasa isip kung ano ang maibibigay na serbisyo sa barangay," aniya.

Ngayong naiurong ang COC filing, sinabi ni Lacuna na, "...at least mawawala sa isipan ng mga nasasakupan na ginagamit at gumagawa ng proyekto ang isang barangay dahil kami ay nag-file ng certificate of candidacy."

Nauna rito, inianunsiyo ni Comelec chairman George Garcia na mula sa dating Hulyo 3 hanggang 7, 2023, ipinagpaliban ang pagsusumite ng kandidatura sa Agosto 28 hanggang Setyembre 2, 2023.