Ibinahagi ni Rendon Labador na nakatanggap siya ng brown envelope mula sa ABS-CBN, na ipinadala sa kaniyang gym sa BGC. Taguig.
Hindi pa niya ini-reveal kung ano ang laman ng envelope, subalit kung ito ay "alok" na maging bahagi ng action-drama series na "FPJ's Batang Quiapo," sisiguraduhin niyang siya ang tatapos sa "era" ni Coco Martin.
"May dumating na envelope sa office from the content creator ABS-CBN, ano kaya 'to? Ayaw kong mag-artista kasi negosyante talaga ako at ayaw ko ng scripted as much as possible. Ang forte ko lang naman ay ipaglaban ang TAMA at i-boses ang mga mahihina, pero if ever na matutuloy kung ano man 'to… isa lang masasabi ko 'ako ang tatapos sa era ni Coco Martin,'" anang Rendon.
Dagdag pa niya, "Ano kaya 'yan? Bukas ko na i-check kasi busy ako ngayon. Ang makahula isasama ko sa project… (if ever)."
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang update si Rendon kung ano ang laman ng envelope.
Nagsimula ang isyu sa pagitan nina Rendon at Coco nang sitahin at mag-react ang una sa balitang marami na raw sa Quiapo vendors ang nagrereklamo tungkol sa taping ng serye, dahil naaabala na raw ang kanilang negosyo.
Ang latest, mismong kapatid ni Rendon na si Jormiel Labador a.k.a. "Haring Bangis" ay nakisawsaw na rin sa isyu at pinagsabihan pa ang utol.