Sinuspindi ng anim na buwan ang 33 na opisyal ng pamahalaan kaugnay sa umano'y maanomalyang pagbili ng medical supplies laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) noong 2020.

Kabilang sa pinatawan ng suspensyon si Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, dating Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM) procurement group director.

Kasama rin sa mga sinuspindi ang mga opisyal ng PS-DBM na sina Christine Marie Suntay, Fatimah Amsrha Penaflor, Joshua Laure, Earvin Jay I Alparaque, Julius Santos, Paul Jasper De Guzman, Dickson Panti, Karen Anne Requintina, Rodevie Cruz, Webster Laureñana, Sharon Baile, Gerelyn Vergara, Abelardo Gonzales, Jez Charlemagne Arago, Nicole John Cabueños, Ray-ann Sorilla, Chamel Fiji Melo, Allan Raul Catalan, Mervin Ian Tanquintic, Jorge Mendoza III, Jasonmer Uayan, at August Ylangan.

Kahit hindi na nagtatrabaho sa DBM, sinuspindi rin si dating DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao.

Siyam naman sa mga opisyal ng Department of Health (DOH) ang hindi nakalusot sa suspensyon.

Ang mga ito ay sina Nestor Santiago, Jr., Crispinita Valdez, Amado Tandoc, Lei Lanna Dancel, Dave Tangcalagan, Jhobert Bernal, Kenneth Aristotle Punzalan, Rose Marasigan, at Maria Carmela Reyes.

"After a careful evaluation of the records, this Office finds compelling reasons to place the respondents under preventive suspension pending investigation of the instant case. The overwhelming documentary proof shows that respondents’ evidence of guilt is strong," bahagi ng kautusan ng Office of the Ombudsman.

Sangkot umano ang ito sa maanomalyang pagbili ng face masks, face shields, at personal protective equipment (PPEs) sa Pharmally Pharmaceuticals Corp. na nagkakahalaga ng ₱8.6 bilyon noong kasagsagan ng pandemya sa bansa.