Sa tulong ng mga empleyado sa airport, mabilis na nabawi ng Amerikanong pasahero ang kaniyang perang nagkakahalaga ng $1,017 o ₱55,237.85 na nalaglag umano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sa Facebook post ng Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Miyerkules, Marso 22, ibinahagi nitong isang wheelchair attendant ang nakakita sa nalaglag na pera ng Amerikanong pasahero na si Terrance Alspach na papuntang Tokyo, Japan, noong Marso 20.

Nang makita ito’y agad niya daw niyang iniulat sa Aviation Security guard na si Mercy Pecson na siya namang humingi ng tulong sa ANA Airlines, NAIA Terminal 3 Operations, at Airport Police Department (APD).

“Naabutan ko yung supervisor ng ANA Airlines, sabi niya may nakahulog daw ng pera… tapos tinawag ko yung naka-assign sa departure, si APO2 Ryan Dela Pena. Binilang ni Sir Dela Pena sa harap ng ANA Airlines Supervisor (Mr. Jon Manoto) at Operations (Ma'am Criselda Macaro) yung pera,” kuwento ni Pecson.

“Apat kaming nandoon kasama ako at si Sir Dela Pena, bago namin dinala sa APD para mag-request ng CCTV para makita kung sinong nakahulog. Naabutan namin doon si Lt. Galan at si Sir Fadriquela. After 30 mins, pinasa na yung picture nung Amerikano, si Mr. Terrence Alspach, flight NH280, ANA Airlines,” dagdag niya.

Pinuri naman ng MIAA ang mga nasabing empleyado dahil sa ipinamalas daw nilang integridad at pagiging mabuting ehemplo sa iba.

“Their actions not only helped the passenger who had lost his money but also upheld the reputation of NAIA as a whole,” anang MIAA. “It is heartening to know that there are still people who prioritize doing the right thing, and their actions deserve our respect and recognition.”