Nagbigay na rin ng reaksiyon at saloobin ang kapatid ng motivational speaker at social media personality Rendon Labador, na si Jormiel Labador alyas "Haring Bangis" hinggil sa isyu nito kay Coco Martin at sa produksyon ng "FPJ's Batang Quiapo."
Ang isyu kasi, pumalag at ipinagtanggol ni Rendon ang "maliliit na boses" ng Quiapo vendors na umano'y naiistorbo na sa taping nila.
Nagbigay na rin ng reaksiyon dito si Direk Coco at ayaw na raw siyang patulan; sa katunayan, naalok na raw sina Rendon at ang kapatid nitong si Jormiel na maging bahagi ng serye.
Sey naman ni Rendon, dalawang beses na niyang na-take down ang alok dahil malabo ang script at tila walang patutunguhan ang kuwento. Hinamon pa niya si Coco na kung bet talaga siyang kunin, makipag-appointment sa kaniyang opisina dahil busy siya sa ibang ganap sa buhay, at ayusin muna niya ang problema sa mga nagtitinda sa Quiapo.
Going back to Haring Bangis, naglabas na rin ng video ang utol ni Rendon, at nakagugulat na kinontra niya ito at tila pumapanig kay Coco.
Ano raw ba ang "iniiyak" ng kaniyang kapatid gayong kinukuha na raw pala siya? Payo ni Haring Bangis kay Rendon, sumailalim ito sa workshop para makapasa sa aktingan.
"Kung gusto mo talagang mag-artista tol, mag-workshop ka. Baka hindi nag-workshop, baka puro gym…"
"Tol huwag puro gym, mag-workshop ka, gusto mo palang mag-artista, ayaw mong mag-workshop. Parang gusto mo lumaki katawan mo tapos ayaw mong mag-gym,” pahayag ni Jormiel.
Bukod ito, nagbigay rin ng payo si Jormiel kung paano masosolusyunan ang problema ng Quiapo vendors, gaya ng pagte-taping sa madaling-araw.
Kung siya raw ang kukunin ni Coco, papayag daw siya at sasabak kaagad sa training. Sa katunayan, sa isang Facebook post ay ibinahagi pa niya ang private message na ipinadala sa kaniya ng isang Facebook account na nakapangalan sa direktor-aktor.
Gumawa na rin siya ng sample videos kung sakaling makakapasok siya sa serye.
Samantala, sa kaniyang Facebook post ay ibinahagi ni Rendon na may dumating na brown envelope para sa kaniya, mula sa ABS-CBN.
"May dumating na envelope sa office from the content creator ABS-CBN, ano kaya 'to? Ayaw kong mag artista kasi negosyante talaga ako at ayaw ko ng scripted as much as possible. Ang forte ko lang naman ay ipaglaban ang TAMA at i-boses ang mga mahihina, pero if ever na matutuloy kung ano man 'to… isa lang masasabi ko 'ako ang tatapos sa era ni Coco Martin,'" aniya.
Wala pang tugon, reaksiyon, at pahayag si Coco tungkol dito.