Target ng Department of Education (DepEd) na mag-hire ng 9,650 bagong guro ngayong taon.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, ito ay batay na rin sa pag-uusap nila ng Human Resources.
Tiniyak naman niya na dahil civil servants ang mga guro ay isasailalim nila sa normal na proseso ng aplikasyon ang pag-hire sa mga ito.
"Ayon sa ating pag-uusap with our HR, ang target talaga natin, kasi meron tayong teacher items... we are targeting to hire around 9,650 ‘yung target natin for this year. Of course, subject to the normal application process dahil civil servants po ang ating mga teachers," mensahe pa niya sa mga mamamahayag.
Matatandaang una nang inamin ng DepEd na kabilang ang kakulangan ng mga guro sa hamong kinaharap ng sektor ng edukasyon ngayong kasalukuyang school year.
Bukod pa dito, ang kakapusan ng mga school infrastructure at mga kagamitan sa mga paaralan.
Nabatid na noong 2022, nag-hire ang DepEd ng 11,580 guro.
Nasa 5,000 administrative officer positions naman ang nilikha upang mabawasan ang trabaho ng mga guro.
Sinabi na rin naman ni Vice President at DepEd Secretary na taun-taon silang kukuha ng mga bagong guro upang mapunuan ang mga bakanteng posisyon.