Tinatayang 30 mga Pinoy ang naapektuhan, kung saan dalawa sa kanila ang nagtamo ng minor injuries, dahil sa gumuhong pitong palapag na apartment building sa Doha, Qatar nitong Miyerkules, Marso 22, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes, Marso 23.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople, ang dalawang OFW na hindi na pinangalanan ay nagkaroon ng mga gasgas at na-discharge na sa Hamad General Hospital.

“Three other OFWs residing in the same apartment building were at work when the incident happened,” ani Ople.

“The DMW also extended immediate assistance in the form of food and basic necessities to 30 Filipino nationals, including two minors and a senior, who were residents of an adjoining three-storey building,” saad pa niya. “They have been provided temporary shelter at the Qatar Youth Hostel.”

Ibinahagi naman ni Atty. Don Albert Pangcog, Officer in Charge ng Doha Migrant Workers Office (MWO-Doha) na nakikipagtulungan na umano ang MWO sa mga opisyal ng Philippine Embassy, Doha Office ng Overseas Workers Welfare Administration (DMW-OWWA) at mga lokal na awtoridad.

Kahapon lamang ay inanunsyo ng Philippine Embassy in Qatar na bukod sa mga tulong na ipinagkakaloob ng mga ahensya ng pamahalaan, may mga Pilipino rin umanong nagbigay ng donasyon sa mga Pinoy na naapektuhan ng gumuhong gusali.

Samantala, iniimbestigahan pa rin umano ng mga lokal na awtoridad ang pinagmulan ng nasabing insidente.

May naitala na ring isang nasawi rito, habang patuloy na isinasagawa ang paghahanap ng iba pang survivors.

Nangyari umano ang pagguho ng gusali bandang 8:18 ng umaga (1:18 ng hapon sa oras sa Pilipinas) sa kalapit ng Bin Durham sa Doha.