Camp Dangwa, Benguet -- Nasamsam ang nasa ₱517,000 halaga ng umano'y shabu at marijuana sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Baguio City, Mt. Province, at Benguet noong Marso 21.
Sinabi ni Brig. Gen. David Peredo, Jr., regional director ng Police Regional Office-Cordillera, nasa kabuuang ₱37,603.32 halaga ng umano'y shabu ang nakumpiska mula sa apat na tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operations, habang nasa ₱480,000 naman na fully grown marijuana plants ang binunot at sinunog sa Sitio Lingey at Sitio Pakak sa Brgy. Kayapa, Bakun, Benguet.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Anna-Lynn Lee, 50, na nakalista bilang High Value Target (HVI) ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera and City Drug Enforcement Unit; Francisco Corpuz Jr., 25; David Eguid, 43, at Jodell Montealegre, 18.
Sinabi ni Peedo, inaresto si Lee ng magkasanib na tauhan ng BCPO Camdas Police Station (PS2) at PDEA-Baguio matapos itong magbenta ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 0.47 gramo at Standard Drug Price na ₱3,196 sa isang operatiba na nagsilbing poseur buyer sa Brgy. Pinget, Baguio City.
Naaresto naman si Corpuz, Jr.matapos magbenta ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.9 gramo at SDP na₱6,120 sa isang operatiba na umaktong poseur buyer sa Brgy. Fairview, Baguio City.
Sa Mt. Province, inaresto ng mga operatiba ng Paracelis Municipal Police Station (MPS) ang mga suspek na sina Eguid at Montealegre matapos silang mahuli sa drug session sa Brgy. Bantay, Paracelis.
Nasamsam ng operatiba ang tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 4.1599 gramo at SDP na₱28,287.32 mula sa kanilang possession.
Samantala, ang patuloy na paghahanap ng mga plantasyon ng marijuana ay nagresulta sa pagkakadiskubre ng 480 piraso ng fully-grown marijuana plants (FGMP) na may SDP na₱480,000 sa tatlong plantation sites sa Sitio Lingey at Sitio Pakak sa Brgy. Kayapa, Bakun, Benguet.