Naglabas ng executive order si Cebu Governor Gwendolyn Garcia upang labanan ang African swine fever (ASF) sa anim na lugar, kabilang na ang Cebu City sa lalawigan.
Nakapaloob sa kautusan ni Garcia ang pagpapakilos sa mga opisyal ng barangay upang bumuo ng Brgy. ASF Task Force na pamumunuan ng kapitan at magsisilbing vice-chairman ang kanyang kagawad.
Magiging miyembro rin ng task force ang health worker, animal aide, nutrition scholar at tanod sa kani-kanilang lugar.
Pangangasiwaan din ng task force ang pagsasagawa ng blood sample collection at rapid antigen o antibody testing sa mga baboy na pinaghihinalaang tinamaan ng ASF o classical swine fever o hog cholera.
Oobligahin din ang mga ito na i-report sa mga municipal agriculturist o beterinaryo ang mga kaso ng sakit sa kanilang nasasakupan.
Nasa P1 milyon na ang inilaan ng provincial government sa kada lungsod at bayan upang labanan ang ASF.
Philippine News Agency