Nanawagan si Senador JV Ejercito sa mga kasama nitong mambabatas na isaalang-alang ang pag-institutionalize ng allowance at benepisyo para sa mga barangay volunteer, lalo na ang mga barangay health worker (BHWs) at tanod.
Sa pamamagitan ng Senate Bill (SB) No. 396, na inihain ni Ejercito, ang mga panukala ay naglalayong protektahan ang mga barangay health workers, gawing propesyonal ang kanilang mga serbisyo, at mapabuti ang kanilang mga insentive at benepisyo.
“Dapat talaga natin mabigyan ng benepisyo yung ating mga foot soldiers: the barangay health workers and the barangay tanods. Sila naman talaga yung laging nauuna kapag may sakuna, may gulo, may pandemiya. They are the most underpaid and overworked,” ani Ejercito na nagbigay-diin na ang mga BHW at tanod ay "overworked" ngunit "underpaid."
Iginiit din ng mambabatas na ang mga barangay volunteer ay dapat bigyan ng hazard pay, health insurance, at access sa iba't ibang serbisyong medikal dahil sa delikadong katangian ng kanilang trabaho.
Aniya, "Medyo ambitious but I think it’s about time that we give the proper benefits and privileges to these people. Nakita naman natin yung value nila, lalo na nitong pandemiya, na lahat ay takot lumabas pero sila ay nandun pa rin, risking their lives and even their families para lang po makapagsilbi. It’s about time we compensate them properly,”
Hinimok din niya ang pambansang pamahalaan na pag-aralan ang posibilidad ng pagsasaayos ng standard o minimum compensation package para sa mga barangay official at volunteers.
“Sana magkaroon ng standardization or minimum at least, kasi iba-iba ang level ng mga barangay, na magkaroon naman ng disenteng allowance ang mga barangay volunteers,” anang senador.
Nauna na rito, pinangunahan ni Ejercito ang pagdinig ng Senate Committee on Local Government sa ilang panukalang batas na naglalayong lumikha ng Magna Carta para sa mga Barangay.
Ang nasabing mga hakbang ay naglalayong kilalanin ang mga opisyal ng barangay bilang mga regular na empleyado ng gobyerno, na may karapatan sa iba't ibang benepisyo at insentives, at magtatag ng mga lokal na programa upang tulungan ang mga barangay sa pagtupad ng kanilang awtonomiya at pagpapabuti ng kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Samantala, kapag naisabatas ang SB No. 396, ang bawat barangay health worker ay magkakaroon ng buwanang honoraria sa halagang hindi bababa sa P3,000; mga diskwento mula sa mga komersyal na establisimyento; hazard allowance; transportation allowance; subsistence allowance; one-time retirement cash incentive.
Bukod pa sa mga nabanggit, may access din ang mga BHW at tanod sa mga pagsasanay, edukasyon, at mga programa sa pagpapayaman sa karera; benepisyo sa kalusugan; insurance coverage; sick at vacation leave; at maternity leave.
Kasama rin sa benepisyong matatanggap ang cash gifts; disability benefits; civil service eligibility; free legal services; at preferential access to loan facilities.