Pinuna ni Senador Ramon "Bong" Revilla, Jr. nitong Martes, Marso 21, ang Bureau of Immigration matapos ang viral offloading incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Matatandaang sa isang viral video na lumabas sa social media, isang Pinoy passenger ang tutungo sana sa Israel ang detalyadong naghayag ng kaniyang karanasan sa kamay ng isang Immigration Officer (IO). 

Ayon sa kaniya, may mga 'hindi angkop' na tanong ang IO sa kaniya hanggang sa hiningan umano siya ng kaniyang yearbook sa paaralan. Ang insidenteng ito ay naging sanhi para hindi ito makaalis ng Pilipinas, ilang oras bago ang nakatakdang oras ng pag-alis. 

Ang masahol pa, ang naturang traveller ay kailangan maglabas ng karagdagang halaga para mabayaran ang gastos sa rebooking ng flight. 

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Revilla, marami raw natatanggap ang kaniyang opisina na mga reklamo hinggil sa paglaganap ng arbitrary offloading sa NAIA, at nasa proseso na sila ng pag-iimbestiga bago pa pumutook ang isyu.

"Tinitingnan na namin ito since last year, at eto at pumutok na. Mismong kaibigan ni Congressman Bryan Revilla na papasyal lang sa Singapore twice inoffload despite our correspondence with BI," anang senador.

"Ang katwiran ng BI, iba raw yung nasa legal at head office nila sa mga nasa airport. Wala daw silang control sa mga nasa airport. Tama ba 'yun?," tanong naman niya.

"Sa pagkakataong ito, it looks like the solution being implemented is worse than the problem," anang senador.

Ayon sa BI, sa 32,404 na Pilipino ang na-offload noong 2022; nasa 472 ang nauugnay sa human trafficking, 873 ang umano'y 'misrepresented', habang 10 ang menor de edad.

"Sa lagpas 30,000 na inoffload at inabala ng immigration na yan, wala pang 4.2% niyan ang may semblance of basis. Mas nakakagalit, only 1.45% ang sinasabi nilang connected sa Human Trafficking," saad ni Revilla.

"Over 95% talagang inabala at pinagastos lang. Ibig sabihin, isa lang sa bawat dalawampung inoffload nila ang medyo may basis. 'Di ba kalokohan 'yan? Sobrang daming naabala. Sobrang daming nasayang na oras at pera. This really says something about the accuracy and efficiency of their [Bureau of Immigration] performance," pagbibigay-diin pa ng Senador.

Patuloy ang pagkadismaya ni Revilla kaya aniya kung hindi pa matatapos ang umano'y kalokohan ang mga kawani ng BI ay mag-resign na lamang ang mga ito.

"Anong nangyayayari sa Bureau of Immigration? Nakakahiya! Hindi ganyang klase ng serbisyo publiko ang dapat natatanggap ng mga tao. Ngayon kasi, para bang all Filipinos are human traffickers unless proven otherwise! Bakit niyo hahanapan ng yearbook? Bakit niyo hahanapan ng graduation photo? Hindi ko maisip para saan. Our people deserve to be treated better, if not fairly. Kaya kung hindi niyo matutuwid iyang di matapos-tapos na kalokohan niyo, mag-resign na lang kayo!"

Naniniwala ang senador na ang ginagawa ng BI ay isang pagsasawalang bahala sa karapatan sa paglalakbay ng mga Pinoy.

Ipinaliwanag din niya na maaaring ito'y isang tahasang paglabag sa kapangyarihan ng Korte na mag-isyu ng Hold Departure Orders (HDO) nang may dahilan. 

"Parang daig pa nila ang korte. Napaka-absurd yata na yung nakagawa ng krimen, basta't walang HDO makakaalis, pero yung mga ordinaryong Pilipino na gusto lang makaranas ng bakasyon sa ibang bansa, basta-basta lang iniipit at hindi pinaaalis. Over-stepping na yan," ani Revilla.

"This is obviously being abused. Napakalaki ng latitude being given to these IOs. Sobrang broad ng authority at ng discretion. Daig pa nila mga consul sa pag-iissue ng visa," dagdag pa niya.