May malaking banta sa pampublikong kalusugan ang patuloy na kumakalat na oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress tanker sa Naujan, Oriental Mindoro, ayon sa isang health expert nitong Lunes, Marso 20.

Lumubog ang nasabing tanker na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil noong Pebrero 28 at sa ngayon ay patuloy pa rin umanong nananalanta sa mga baybay-dagat sa Oriental Mindoro, Palawan at Antique.

Sa panayam ng DZRH kay Health Reform Advocate Dr. Anthony “Tony” Leachon, ibinahagi nito na maaaaring maapektuhan ng oil spill ang kalusugan ng mga residenteng malapit sa mga naapektuhang baybay-dagat. Ito ay sapagkat nakasasama umano ang oil spill sa mga bahagi ng katawan na tao tulad ng baga, balat, at puso ng isang tao.

“Halos lahat ay apektado dito dahil papasok ‘yan sa inyong sistema. Ang iba ay nagkakaroon ng chronic lung disease at nagkaka-cancer,” ani Leachon.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Sa tala ng pamahalaan, nasa 149,503 indibidwal o 32,269 pamilya na ang naapektuhan ng nasabing pagkalat ng oil spill.

Ayon kay Leonchon, nasa 122 na indibidwal na rin umano sa Oriental Mindoro ang naitalang nagkasakit. Inaasahan pa umano itong dumami kung hindi pa tuluyang mareresolba ang nasabing insidente.

Inabisuhan naman na umano ang Local government units (LGUs) ng mga apektadong lugar na bumuo ng isang dokumentasyon ng masamang epekto na nararanasan ng mga residente dahil sa nasabing oil spill.

Kamakailan lamang ay isiniwalat naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tinatayang ₱5-milyon ang nawawala sa sektor ng pangisdaan kada araw at 19,000 mga mangingisda ang naepektuhan dahil sa insidente.

BASAHIN: Sektor ng pangisdaan, nawawalan ng ₱5M kada araw dahil sa oil spill – BFAR