Nanawagan si Manila 3rd district Rep. Joel Chua nitong Lunes, Marso 20, sa pamahalaan na magsagawa ng inisyatibang iligtas ang umano’y pabagsak nang San Sebastian Minor Basilica o San Sebastian Church sa Quiapo, Manila.

"Pabagsak na po ang San Sebastian Church sa Quiapo, Manila. Literal na malapit na pong gumuho ang istraktura ng San Sebastian. At huwag na po nating hintayin na may maaksidente o mamatay pa bago tayo umaksyon," pahayag ni Chua sa ginanap na plenary session sa Kamara.

Ayon kay Chua, naiintindihan daw niyang kinakailangan ng malaking pondo at mahabang oras para magawa ang rehabilitasyon ng San Sebastian Church, ngunit ang simbahang ito raw ay kayamanan hindi lamang ng lungsod kundi ng buong bansa.

Binanggit ni Chua ang isang pag-aaral ng Portuguese Engineer Rui Tiago Pinto dos Santos Beleza de Seabra na pinondohahn ng European Commission noong 2016 kung saan lumalabas umanong mahigit anim na “vulnerable spots” ang nadiskubre sa simbahan.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Bukod pa rin ang pagsiwalat niya ng mga insidenteng nangyari sa simbahan mula pa noong taong 2000, tulad na lamang umano ang pagkalaglag ng isang malaking metal noong 2008, at ang pag-agos ng tubig mula sa isa sa mga pader ng basilica sa isang seremonya ng kasal noong 2018.

"With urgency, I now ask for the concerned agencies of the national government to band together to rehabilitate the San Sebastian Church,” ani Chua. “Let the rehabilitation of San Sebastian Church be private sector-led, supported by foreign assistance, but with the concerned government agencies behind them or with the provision of technical expertise, technical assistance, and grant funding.”

Ilan umano sa mga hinimok ni Chua na makipagtulungan sa pagsasaayos mula ng San Sebastian church ay ang mga ahensyang tulad ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEAZ), the Department of Tourism (DOT), National Historical Commission of the Philippines (NHCP), National Museum, the Commission on Higher Education (CHEd), Department of Science and Technology (DOST), at National Economic Development Authority (NEDA) Public-Private Partnership Center.