Tumanggap ng 'Mark of Recognition' ang Manila City Government sa ilalim ng liderato ni Mayora Honey Lacuna, bunsod ng mahusay na pamamahala sa kaban ng bayan.
Ang naturang pagkilala ay iniabot kay Lacuna ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng kinatawan nitong si John Visca, na nagsabing ang rekognisyon ay ibinigay sa lungsod sa ilalim ng pagrenda ni Lacuna at pumasa sa 2022 good financial housekeeping assessment.
“Ito po ay katunayan na sa unang pagkakataon, ang lungsod ng Maynila ay pumasa sa ‘seal of good housekeeping,” sabi ni Visca habang iniaabot kay Lacuna ang pagkilala sa regular na flag raising ceremony nitong Lunes.
“Ito po ‘yung katunayan na ang nakaupo (Mayor Lacuna) ay matino at mahusay sa paghawak ng ating pananalapi. Lahat ng documents ay maaring ma-access ng publiko,” aniya.
Sa kanyang bahagi, nagpasalamat naman ang alkalde sa karangalang natamo.
Ayon kay Lacuna, ang pagkilala ay magsisilbing inspirasyon sa kanila upang higit pang magsikap at gampanan ng maayos ang kanilang tungkulin.
Umaasa rin siya na ganito rin ang gagawin ng kanyang mga kapwa opisyal sa City Hall.
Tiniyak ng alkalde na sinisiguro niya at ng kanyang mga kapwa opisyal na ang pondo ng pamahalaan ay mahusay at episyente nilang nagagamit para sa kapakanan at kapakinabangan ng mga mamamayan.
Ayon pa kay Lacuna, ang kredito ay hindi lamang para sa kanya kundi sa lahat ng opisyal at kawani ng City Hall na nangangasiwa ng pondo pamahalaang lungsod upang ito ay nasa ayos sa lahat ng oras.
Binigyang-diin pa ni Lacuna na ang accomplishments ng kanyang administrasyon pati na ang pagkilala at karangalan na kanilang natatanggap ay dahil sa suporta at tulong ng lahat ng city government employes at officials.
“Hindi po natin makakamit ang mga bagay na ito nang ako lamang mag-isa kaya salamat sa aking mga kasamahan sa City Hall at nawa ay magsilbing inspirasyon ang mga parangal na kagaya nito para higit pa nating pagbutihin ang ating trabaho sa araw-araw,” sabi ni Lacuna.