Niyanig ng magnitude 4.7 na lindol ang probinsya ng Maguindanao Del Norte nitong Martes ng madaling araw, Marso 21, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan bandang 5:13 ng madaling araw.
Namataan ang epicenter nito 25 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Bongo Island sa Parang, Maguindanao Del Norte, na may lalim na 575 kilometro.
Ayon sa Phivolcs, walang inaasahang aftershocks na mangyayari dahil sa lindol.
Kinumpirma naman ng Office of Civil Defense (OCD) sa Central Mindanao region at Maguindanao del Norte Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na walang naitalang pinsalang naidulot ang nasabing pagyanig.