Ang kamakailang pagtaas sa bilang ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa bansa ay inaasahan ngunit hindi ito dapat ikabahala, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes, Marso 21.
Inaasahan ang pagtaas ng mga kaso dahil ang Covid-19 virus ay "inaasahang mananatili," sabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.
Ang mahalaga ay nananatiling mababa ang bilang ng malubha at kritikal na kaso, ani Vergeire.
“Base sa ating pagmomonitor, oo tumataas ang mga kaso but our hospitals are all manageable. Ang malala at kritikal na [mga kaso] sa namamatay ay pinananatiling pinakamababa,” ani Vergeire.
“Sa aking pananaw at payo ng Kagawaran ng Kalusugan, hindi tayo dapat matakot at mag-alala,” dagdag niya.
Muling binigyang-diin ni Vergeire ang kahalagahan ng pagsasagawa ng minimum public health standards at pagbabakuna.
“We should know how to protect ourselves and our family—and that would be having our vaccination against Covid at syempre alam natin kung kailan dapat magsuot ng masks," aniya.
Batay sa lingguhang bulletin ng kaso na inilabas noong Lunes, Marso 20, may kabuuang 1,171 bagong kaso ang naitala noong Marso 13 hanggang 19. Ang average na bilang ng mga bagong kaso ay nasa 167, na 19 porsiyentong mas mataas kaysa sa naitala noong nakaraang linggo, sabi ng DOH.
Bulletin ng mga kaso nitong Martes
Nakapagtala ang DOH nitong Martes ng 190 bagong kaso ng Covid-19 sa buong bansa, kaya umabot na sa 9,244 ang kabuuang bilang ng aktibong impeksyon.
Karamihan sa mga bagong kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay naitala sa National Capital Region na may 577, sinundan ng Davao Region na may 300; Calabarzon na may 235; Soccsksargen na may 170; at Northern Mindanao na may 165.
Mula noong 2020, nakapagtala na ang Pilipinas ng 4,079,237 kumpirmadong kaso, kabilang ang 4,003,705 na nakarekober at 66,288 na namatay.
Noong Marso 16, mahigit 78.4 milyong Pilipino na ang ganap na nabakunahan. Mahigit 23.8 milyong indibidwal ang nakatanggap ng kanilang unang booster shot at halos 4.4 milyon ang nakatanggap ng kanilang pangalawang booster shot, sinabi ng DOH.
Analou de Vera