Sinabi ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na mahigit 111 pamilya na nila ang nakalipat na sa kanilang mga bagong housing unit sa St. Gregory Homes sa Barangay Panghulo sa lungsod sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Marso 20.

Ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ay naglalayong magbigay ng isang milyong housing units para sa mga Pilipino kada taon sa loob ng anim na taon.

Ang programa ay inilunsad ng pamahalaang lungsod sa Malabon sa pakikipagtulungan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at sa tulong ng Community and Urban Poor Affairs Office (CUPAO).

Ang mga benepisyaryo ay mga pamilyang informal settler na dating nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig sa lungsod, sinabi ng pamahalaang lungsod.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang programa ay bahagi rin ng pangako ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na magbibigay ng mas maayos at ligtas na mga tahanan para sa mga residente ng lungsod.

Noong Oktubre 2022, lumagda si Sandoval sa isang memorandum of understanding kasama ang DSHUD para ipatupad ang nasabing programa sa Malabon.

Nasa 148 kwalipikadong pamilya ang inaasahang makakakuha ng mga bagong tahanan sa ilalim ng programa, ayon sa pamahalaang lungsod.

Nagpasalamat si Sandoval sa CUPAO sa kanilang tulong sa paglilipat ng mga pamilya.

“Sana ay mas marami pa tayong mga kababayan na mabigyan ng pabahay nang sa gayon ay may tatawagin na silang kanilang sariling tahanan, ” sabi ng alkalde.

Samantala, inihayag ng pamahalaang lungsod noong Martes, Marso 21, na 1,500 benepisyaryo ng Cash for Work Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakatanggap ng kanilang suweldo.

Sinabi ng DSWD na ang Cash for Work ay isang panandaliang interbensyon upang mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga distressed o displaced na mga indibidwal sa pamamagitan ng paglahok sa iba't ibang aktibidad (pagtatanim ng puno, paglilinis sa baybayin, pagkukumpuni ng maliliit na imprastraktura ng komunidad, paglilinis ng mga lansangan communal gardening, at iba pa) sa kanilang mga komunidad o sa mga evacuation center.

Target nito na tulungan ang mga pamilyang mababa ang kita, solong magulang, mga taong may kapansanan, at mga katutubo.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na nakatanggap ang mga benepisyaryo ng mahigit P5,000 para sa 10 araw na pagtatrabaho.

Idinagdag nito na ang pay-out para sa 1,300 iba pang benepisyaryo ay gaganapin sa Miyerkules, Marso 22.

Aaron Homer Dioquino