Naniniwala si Senador Ramon ‘’Bong’’ Revilla Jr. na aaprubahan ng Kongreso ang inihaing panukalang batas ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na naglalayong itaas ng ₱150 ang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor ng bansa.
BASAHIN: Zubiri, isinulong ang ₱150 taas-sahod para sa private sector workers
Sa pahayag ni Revilla nitong Lunes, Marso 20, nararapat lamang umanong itaas ang sahod ng mga manggagawa na tinawag niyang “backbone” ng ekonomiya.
“It is important that we have a living wage. Matagal na itong inaasam ng ating mga manggagawa. I am optimistic,’’ ani Revilla.
Nagpasalamat naman si Revilla kay Zubiri at mga kasamahan niya sa Kongreso dahil nakikita umano niyang nagiging malinaw na ang pagpapatupad ng pagtaas ng sahod na ilang dekada nang ipinaglalaban ng mga manggagawa.
Nagpasa na rin umano si Revilla ng mga panukalang batas para sa taas-sahod magmula nang maupo siya sa Senado sa kaniyang unang termino, kabilang na ang Senate Bill 2179 (14th Congress); SB1981 (15th Congress); SB937 (16th Congress); SB71 (18th Congress); at SB2018 (19th Congress).