Inamin ng sexy Kapuso actress na si Faye Lorenzo na ang Netflix movie na Dollhouse na pinagbidahan ni Baron Geisler ay hango sa kuwento nila ng kaniyang ama.
Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda noong Biyernes, Marso 17, iIkinagulat ni Tito Boy nang malaman niyang ang sikat na pelikulang Dollhouse ay inspired pala sa buhay ng aktres.
Aniya, "Hindi ko alam that the movie Dollhouse, ay inspired ng kuwento mo. Tell me more about it."
“Yung story Tito Boy, base siya, 'yung ginanapan ni Kuya Baron, story ko siya and my father. He was a drug addict," sagot ng aktres.
“Medyo sensitive ako kasi baka i-judge siya ng mga tao pero nakakagulat nga kasi andaming na-inspire doon sa story," dagdag pa niya.
Maluha-luha namang ikuwento ng aktres na marami pala ang tulad niyang dumaan din sa ganoon kahirap na sitwasyon.
“Hindi ako makapaniwala na ang dami din palang katulad ko na pinagdaanan ‘yung ganun, na nagkaroon sila ng tatay na naging mahina. Ayon 'yung ginamit na way, para makatakas sa problema at para maging matapang.”
Paliwanag ng aktres, kahit hindi naging magandang ehemplo ang kaniyang ama sa ibang tao, naging mabuti naman daw umano ito sa kaniya.
“Kahit na naging ganun siya, hindi naging mabuting ehemplong ama. Hindi maganda ang tingin sa kaniya ng mga tao, pero sa mata ko, Tito Boy, sa puso ko, mabuti po siyang ama. Kasi pinaramdam niya po sa aming magkakapatid kung gaano niya kami kamahal. Hindi po siya nagkulang itinaguyod niya po kami, kahit na iniwanan po kami ng mama ko."
Ikinuwento rin ng aktres ang matinding pinagdaanan niya bilang breadwinner. Dagdag din niya, dahil sa hirap ng kanilang sitwasyon, natutunan niya kung paano dumiskarte.
“Ako po yung panganay so naiwan po sa akin ang lahat ng mga kapatid ko, naiwan kami sa Lola ko. Kailangan mong isakripisyo ang pagkabata, ang pagiging bata mo na gusto mo naglalaro ka lang. Eh, kailangan mong alagaan ang mga kapatid mo na sunud-sunod kayo, kailangan kong magtrabaho ng ganung edad.”
Kahit ang pag-aaral ni Faye ang kailangan niyang ipagpaliban para lang sa mga kapatid.
“Hininto ko ang school ko, nung college, kasi hindi ko na kaya na sabay-sabay kaming nag-aaral magkakapatid.”
Tinanong naman ni Tito Boy kung may mga panahong napagod si Faye.
“Meron, Tito Boy. Maraming beses,” deretsahang sagot ng aktres.
“Kapag napagod ka, ano ang ginagawa mo?,” dugtong na tanong ni Tito Boy.
Ikinuwento naman ni Faye na umabot na siya sa puntong kinuwestiyon niya ang Panginoon kung bakit nangyari ito sa kaniya.
Aniya, “Kinuwestiyon ko siya na bakit ang dami. Bakit sunud-sunod ang hirap ng buhay. Ano ba ang kasalanan ko? Bata pa ako. Bakit ang laki ng obligasyon na binigay mo sa akin.”
“Kaya pala iyon ang mga pinagdaanan ko sa buhay kasi doon ako magiging matatag, masipag, humble, mapagmahal,” dagdag pa niya.