Ipinahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Marso 20, na nakasalalay sa Kamara ang desisyon kung ma-eexpel na si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. kapag hindi pa siya uuwi ng Pilipinas.
Pinauuwi na mula sa United State si Teves para harapin ang mga alegasyon laban sa kaniya na sangkot umano siya sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel R. Degamo noong Marso 4.
Matatandaang inambush ng mga armadong lalaki ang gobernador sa harap ng bahay nito sa Pamplona habang nakikipag-usap ito sa ilang benepisyaryo ng 4Ps.
BASAHIN: Negros Oriental Gov. Degamo, pinagbabaril, patay!
Sa isang press conference na isinagawa Special Task Force Degamo, sinabi ni Remulla na sa alituntunin sa Kongreso, posible talagang ma-expel na sa Kamara si Teves.
“Very possible under the rules of the House. But it is up to the House to decide… to make its own decision on the case,” ani Remulla.
Napagkalooban kamakailan ng authorized travel sa United States si Teves hanggang Marso 9, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakauuwi ng Pilipinas.
Humihingi rin umano ang mambabatas ng 2-month extension sa kaniyang leave of absense, ngunit hindi raw ito pinayagan ng mga kongresista bagkus ay binigyan pa si Teves ng ultimatum para umuwi sa bansa.