Ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna ang recital ng 'Panunumpa ng Isang Kawani' tuwing unang Lunes o unang flag raising ceremony ng buwan.

Sa kanyang maikling mensahe sa flag ceremony nitong Lunes, nanawagan din naman si Lacuna sa lahat ng opisyal at kawani ng city hall na isapuso at isabuhay ang naturang panunumpa.

Ayon kay Lacuna, ang oath o panunumpa ay dapat na magsilbing paalala at gabay sa mga empleyado ng city hall sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Nabatid na kabilang sa sinusumpaang tungkulin ng kawani ay ang pagpasok ng maaga sa trabaho, pangangalaga sa mga ari-arian ng gobyerno na nasa kanyang pag-iingat.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Nangangako rin itong tutulong sa lahat ng nangangailangan ng serbisyo sa kanilang tanggapan nang may ngiti at sigla, i-report ang mga maling gawain at magtrabaho kahit lagpas na sa oras na itinakda kung kinakailangan.

"Pinaaalala ko sa inyong lahat na tayo pong mga nanunungkulan sa pamahalaang-lungsod ay dapat pumasok nang maaga. Matatanda na po tayo,'di na po natin kailangang paalahahanan pa ang isa't- isa lalong- lalo na po tuwing Lunes kung kelan tayo nagkakaroon ng lingguhang pagtaas ng watawat, dahil 'yung iba, tapos na ang pagtataas ng watawat, saka pa lang papasok," ayon pa sa alkalde.

Aniya pa, "Dapat isapuso natin ang ating paglilingkod dahil doon po makikita kung paano natin haharapin ang ating mga pinaglilingkuran. Dapat tapat at mahusay. Siguro, marapat lamang na tuwing unang linggo ng pagtataas ng watawat kada buwan ay ginagawa natin ito na para paalaahanan tayong lahat ng mga dapat nating gawin bilang kawani o lingkod-bayan."

Binigyang-diin pa niya na dapat na ipagpasalamat ng mga city employee at official na sila ay nagtatrabaho sa City Hall dahil hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa mga kababayan.

Nanawagan din si Lacuna sa lahat ng mga residente na 'di pa nakakapagparehistro ng SIM cards na samantalahin ang tulong ng Globe telecoms sa Bonifacio Shrine katabi ng Manila City Hall.

Sinabi ni Lacuna na ang event na nagsimula nitong Lunes ang kaunahang NCR-based assisted SIM card registration.    

"Grab the opportunity to have your SIM cards registered," pahayag ni Lacuna.

Ang mga interesado aniya ay maaaring magpunta sa Bonifacio Shrine kung saan may walong kawani ang sabay-sabay na tutulong sa SIM registration mula 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.

Magtatagal ang naturang serbisyo hanggang sa Biyernes.