Tinatayang aabot sa ₱400,724,000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa Pasay City nitong Lunes.
Nadiskubre ang kargamento matapos isailalim sa inspeksyon sa Pair Cargo warehouse sa lungsod.
Nauna nang idineklara ang kargamento bilang spare parts ng mga sasakyan kaya pinagdudahan ito ng mga tauhan ng BOC-Intelligence Group.
Umabot sa 58.93 kilo ng illegal drugs na nagkakahalaga ng ₱400,724,000 ang nakumpiska sa operasyon, ayon naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Tinutukoy pa ng BOC ang consignee ng shipment na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).