Plano ng pamahalaan na palawigin pa ang cash for work program nito para sa mga naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Sa Laging Handa public briefing, ipinaliwanag ni DSWD assistant bureau chief Miramel Laxa na posibleng palawigin hanggang Mayo ang programa upang mapakinabangan nang husto ng mga pamilya ng mga mangingisdang nawalan ng pagkakakitaan dahil sa insidente.
Sa ngayon aniya, mahigit sa 151,400 indibidwal ang apektado ng paglubog ng MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro nitong nakaraang buwan.
Kumalat na aniya ang langis sa 131 barangay sa Oriental Mindoro, Palawan at Antique.
Matatandaang patungo na sana sa Iloilo ang naturang oil tanker na galing sa Bataan nang masiraan at hampasin ng malalaking alon hanggang sa tuluyang lumubog nitong Pebrero 28.
Karga ng barko ang 800,000 litrong industrial oil nang maganap ang insidente