Hinikayat ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlets sa kanilang lugar at tumaya na sa paborito nilang lotto games.
Sa abiso ng PCSO, sinabi nito na limpak-limpak na papremyo sa lotto ang naghihintay upang mapanalunan nila ngayong Linggo ng gabi, Marso 19, 2023.
Batay sa inilabas na jackpot estimates ng PCSO, nabatid na aabot na sa higit P49.5 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 habang P31 milyon naman ang papremyong ipamimigay ng SuperLotto 6/49, na kapwa bobolahin ganap na alas-9:00 ng gabi.
"Araw na ng Linggo, limpak-limpak ang papremyo kaya sugod na sa mga lotto outlets at bumili na ng mga tickets ninyo," anang PCSO.
Una nang sinabi ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles na walang talo sa pagtaya sa lotto, dahil sa halagang ₱20 lang ay may pagkakataong nang maging lotto millionaire, at nakatulong pa sa mga kababayan nating nangangailangan.
Ang UltraLotto 6/58 ay binubola tuwing Martes, Biyernes at Linggo habang ang SuperLotto 6/49 ay may draw naman tuwing Martes, Huwebes at Linggo.