Nakisaya ang bagong global pop group na HORI7ON sa mystery music show ng ABS-CBN na “I Can See Your Voice,” kung saan nagwagi sila matapos mahulaan kung sino ang totoong singer mula sa lima nitong kalahok.

Sa episode na umere Sabado ng gabi, Marso 18, itinampok ang mga “SEEcret songers” na sina “Tulog Na Naman Ang Buwan,” “Twinkle Twinkle Little Spar,” “Shaina Mag-dayo,” “Dutch What Friends Are For,” at “Douglas Mac Cartoon” na kaniya-kaniyang paandar sa kanilang mga performances, dahilan upang malito at mahirapan ang grupo sa nasabing game show.

Bagama’t sa umpisa ay mali agad ang naging hula ng grupo, naipanalo pa rin nila ang game show sa tulong ng “SINGvestigators” na sina Long Mejia, MC, Lassy, Negi, Bayani Agbayani at ang dati nilang mentor mula idol survival show na “Dream Maker” na si Angeline Quinto.

Sa huling round, pinili ng HORI7ON si “Dutch What Friends Are For” para makasama nila sa kanilang performance ng “Take My Hand,” kung saan napatunayan na tama ang kanilang naging hula nang makipag-sabayan ito sa paghataw ng grupo na siya namang kinagiliwan ng lahat.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinanggap ng HORI7ON ang “eye-ward” o tropeo mula sa programa bilang bahagi ng kanilang premyo. Nang tanungin naman ng host na si Luis Manzano kung kumusta ang naging experience nila sa game show, sinabi nila na nag-enjoy sila at kuwelang binanggit pa ng miyembro na si Vinci na mas mahirap pa raw ang game show kumpara sa mga pinagdaanan nila sa “Dream Maker.”

Sa social media accounts naman ng HORI7ON, ibinahagi nila ang kanilang naging panalo kasabay ng pagpapasalamat nila sa mga tumutok sa episode.

Matatandaang noong isang buwan ay itinanghal sina Jeromy Batac, Marcus Cabais, Kyler Chua, Vinci Malizon, Reyster Yton, Kim Huat Ng, at Winston Pineda na mga nagsipagwagi sa “Dream Maker” kung saan ilulunsad sila bilang isang global pop group sa South Korea sa darating na Hunyo, at ima-manage sila ng MLD Entertainment kasama rin ang ABS-CBN.