Iminungkahi ni Senador Win Gatchalian sa pamahalaan na magbigay ng karagdagang tulong pinansyal na P1/kWh para sa mga low-income consumers o kabuuang P418 milyon na kukunin mula sa general appropriations fund.

Sa bisa ng Lifeline Rate Extension Act, kung saan si Gatchalian ang pangunahing may-akda, ang isang “lifeliner” sa Metro Manila ay nakatipid ng humigit kumulang P194.36 noong Pebrero ng nakaraang taon at tumaas pa sa P223.34 noong Pebrero ngayong taon, o pagtaas ng 14.91% kasunod ng mataas na inflation rate.

Aniya, ang natipid na halaga ay katumbas ng 5.6 kilo ng bigas batay sa presyo ng retail price ng regular-milled rice na naglalaro sa P39.195 kada kilo ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Gayunpaman, sa karagdagang P1/kWh mula sa gobyerno, mas malaki pa ang matitipid ng mga lifeline consumer o humigit kumulang P296.67 kada buwan. Makakabili na ito, aniya, para sa isang pamilya ng 7.5 kilo ng bigas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Tayo’y natutuwa na maraming mga kababayan natin ang natutulungan ng isinulong nating batas na electricity lifeline rate. Pero mas matutulungan pa natin sila kung dadagdagan natin ang maitatabi nilang pera para sa iba pa nilang bayarin habang patuloy na mataas ang inflation rate sa bansa,” ani Gatchalian.

Ang lifeline rate subsidy ay nagbigay ng ginhawa para sa 4.181 milyong sambahayan na kinilala bilang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Upang mapakinabangan ang naturang subsidy, ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay kailangang kumonsumo ng hindi hihigit sa 100-kilowatt hours ng kuryente kada buwan. Sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, 209,210 na sambahayan ang nasa National Capital Region.

Samantala, ang inflation rate ng bansa noong Pebrero 2023 ay bahagyang bumaba sa 8.6% mula sa 8.7% noong Enero ngunit ito pa rin ang pinakamataas sa Southeast Asia. Ang enerhiya ay nanatiling isa sa mga nangungunang nag-aambag sa inflation o 1.0 percentage point. Noong Pebrero 2022, nasa 3% lang ang inflation rate sa bansa.