Darating na sa Pilipinas sa Marso 20 ang advance party ng United States Armed Forces na lalahok sa 2023 "Balikatan" exercises sa susunod na buwan.
Ito ang tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar nitong Sabado at sinabing magsasagawa muna ng iba't ibang humanitarian civic assistance program ang mga nasabing sundalo bago sumabak sa taunang military exercises.
Nakatakdang simulan ang joint military drills sa Abril 11 hanggang Abril 18.
“Ito po ay mga construction of facilities at saka mga cooperative health engagements, community relations programs na isasagawa po ng AFP at US Armed Forces bilaterally sa iba't ibang lugar sa buong Pilipinas," lahad ni Aguilar sa isang pagpupulong.
Mahigit sa 17,000 tauhan ng AFP at U.S. ang makikibahagi sa "Balikatan" exercises na isasagawa sa Palawan, Batanes at Zambales.
Makikibahagi rin sa military exercises ang nasa 100 na sundalo ng Australian Defence Force.
Philippine News Agency