Inanunsyo ng International Criminal Court (ICC) nitong Biyernes, Marso 17, na nag-isyu ito ng arrest warrant laban kay Russian President Vladimir Putin kaugnay ng war crimes sa Ukraine.
Ayon sa ICC, may pananagutan umano si Putin sa hindi makatarungang deportasyon sa mga bata sa Ukraine.
"[He] is allegedly responsible for the war crime of unlawful deportation of population (children) and that of unlawful transfer of population (children) from occupied areas of Ukraine to the Russian Federation," saad ng ICC.
Inisyuhan din ng ICC ng arrest warrant sa parehong kaso ang presidential commissioner for children's rights ng Russia na si Maria Lvova-Belova.
Ang nasabing mga kaso umano ay may petsang mula Pebrero 24, 2022, kung kailan nilusob ng Russia ang Ukraine.
"There are reasonable grounds to believe that each suspect bears responsibility for the war crime of unlawful deportation of population and that of unlawful transfer of population from occupied areas of Ukraine to the Russian Federation, in prejudice of Ukrainian children," saad ng ICC.
Magiging sikreto naman daw ang mga arrest warrant upang protektahan ang mga biktima at witnesses at upang mapangalagaan din ang imbestigasyon.
Ilang araw lamang matapos itong lusubin ng Russia nang ilunsad ni ICC prosecutor Karim Khan ang imbestigasyon sa umano'y "war crimes" at "crimes against humanity" sa Ukraine, ayon sa ulat ng Agence France Presse.
Hindi miyembro ng ICC ang Russia, kaya't hindi pa raw malinaw kung paano nito pinlano ang pagpapatupad ng nasabing mga warrant.
Ayon sa AFP, ang ICC ay isang korteng huling malalapitan para maimbestigahan o maresolba ang mga krimeng hindi malutas o hindi malitis ng mga bansang sangkot dito.