Kumpiyansa ang Commission on Elections (Comelec) na magkakaroon ng high voter turnout ang idinaraos na plebisito para sa pagbuo ng dalawang barangay sa Marawi City nitong Sabado.
Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, "Mataas po ang nakikita naming voter turnout."
Nakatakda aniyang magdesisyon ang mga residente ng Marawi City kung pabor sila o hindi sa paglikha ng Barangay Boganga II at Barangay Datu Dalidigan, kasunod na rin nang pagdami ng internally displaced persons (IDPs) doon.
Sinabi ni Laudiangco na target nito na magkaroon ng permanent local government unit ang mga nadagdag na tao dito sa dalawang barangay.
Naging manu-mano ang idinaos na botohan na sinimulan dakong alas-7:00 ng umaga at inaasahang magsasara dakong alas-3:00 ng hapon.
Idinagdag pa ng tagapagsalita ng Comelec na ang naturang plebisito, nag kauna-unahang eksklusibong local electoral exercise na idinaos sa Marawi.