Binigyang-diin ni Senador Christopher ‘’Bong’’ Go na dapat mapanagot ang may-ari ng lumubog na MT Princess Empress sa mga pinsalang naidulot ng oil spill na kumalat na sa iba't ibang baybay-dagat ng bansa.

“Dapat po hindi maulit ito at mapapanagot kung sino ang dapat managot, sinong may kasalanan," pahayag ni Go.

Kamakailan ay sinabi ng Maritime Industry Authority (MARINA) na walang awtoridad ang nasabing oil tanker na maglayag dahil pending pa umano ang inamyendahang Certificate of Public Convenience ng may-ari rito na RDC Reield Marine Services Inc.. Ngunit pinasinungalingan ito ng Philippine Coast Guard (PCG).

Binigyang-diin naman ni Go na may permit man o wala ang RDC, dapat na maging responsable pa rin ito sa nangyaring insidente at umaksyon sa paglilinis ng oil spill.

‘’Hindi pwedeng iasa mo sa gobyerno lahat ng paglilinis ng mga coastal areas na ‘yan,’’ saad ng senador.

Nararapat din umanong maagapan agad ang pagkalat ng oil spill upang hindi na umabot ang pinsala sa iba pang isla o probinsya at upang hindi na makaperwisyo ng iba pang mga Pilipinong nabubuhay sa tulong ng mga baybay-dagat tulad ng pangingisda.

"Ilang pamilya po ang magugutom diyan, ‘yung mga umaasa sa huli ng isda, umaasa sa pangkabuhayan ng pangingisda at ilan pong mga kababayan natin ang naapektuhan ang kalusugan,’’ ani Go.

“Ako naman bilang senador, handa po akong tumulong sa mga kababayan natin lalo na ang mga apektado, ‘yung mga kababayan nating isang kahig, isang tuka, ‘yung mahihirap na walang makain po dahil apektado dito sa oil spill,’’ saad pa niya.

Matatandaang naiulat na lumubog ang MT Princess Empress, na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel, sa baybay-dagat ng Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28.

Sa ulat ng PCG, umabot na ang epekto ng nasabing oil spill sa mga probinsya ng Palawan at Antique.