Ipatutupad na sa Lunes, Marso 20, ang pitong araw na pagpapalawig sa dry run ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ito ay dahil matatapos na sa Linggo, Marso 19, ang 11 araw (Marso 9-19) na unang implementasyon ng dry run sa paggamit ng eksklusibong motorcycle lane na mula Elliptical Road (QC Circle) hanggang sa Doña Carmen area.
Idinahilan ng MMDA, layunin nilang mabigyan pa ng sapat na panahon ang mga motorista upang maintindihan bagong ipatutupad na polisiya.
Umaasa rin ang ahensya na mababawasan na ang aksidenteng kinasasangkutan ng mga nagmomotorsiklo sa Commonwealth Avenue kapag naipatupad na nang tuluyan ang patakaran.
Sa datos ng MMDA-Metro Manila Accident Reporting and Analysis System, nasa 1,686 o limang kaso kada araw ang naaksidenteng motorsiklo sa lugar noong 2022.