Nagpasa ang bansang Spain nitong Huwebes, Marso 16, ng batas na naglalayong protektahan ang mga hayop, habang inaamyendahan din ang penal code para sa mas mabigat na kaparusahan sa mga mang-aabuso sa mga ito.
Sa ulat ng Agence France Presse, ibinahagi ni Social Rights Minister Ione Belarra ng hard-left Podemos party na napakahalaga ng pagkakapasa ng nasabing batas lako na't ito ang unang batas para sa kapakanan ng mga hayop simula nang bumalik ang demokrasya ng Spain.
Sa ilalim ng naturang batas, obligado ang mga nang-ampon ng aso na sumailalim sa training para mas maalagaan ito.
Pinagbabawalan ding iwan ang naampon nilang aso nang mag-isa sa mahigit 24 oras.
Inoobliga rin ng batas ang cat owners na ipakapon ang kanilang mga pusa upang makontrol ang pagdami ng mga ito at maiwasan ang pag-abandona o pagpatay sa mga kuting.
Pagdating naman sa pag-amyenda ng penal code, target nitong parusahan ng 18 buwang pagkakakulong ang salarin kapag ang inabuso nitong hayop ay nangangailangan ng beterinaryo para magamot.
Balak ding gawing tatlong taong pagkakakulong, mula sa kasalukuyang 18 buwan, ang parusa kapag ang inabusong alagang hayop ng maysala ay namatay.
Mahigit isang taon lamang ang nakalilipas nang magpasa ang Spain ng batas na kumikilala sa mga hayop bilang "nabubuhay na nilalang" at hindi lamang mga bagay.
Mula noon, nagkaroon na rin sa nasabing bansa ng pagpayag sa "shared custody of pets" pagdating sa mga kaso ng divorce.