Opisyal nang magiging isang international shrine ang National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa Marso 25.
Ito umano ang unang magiging international shrine sa Pilipinas, pangatlo sa Asya, at pang-11 sa buong mundo.
Sa ulat ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) News, ibinahagi ng cathedral noong Martes na natanggap nila ang Vatican decree para maging international shrine na ito.
“It’s official. We are now elevated into an international shrine,” saad ng Cathedral. “The decree has been sent to us by the Holy See and will be effective by March 25, 2023.”
Nitong Hunyo ng nakaraang taon nang kumpirmahin umano ni Bishop Francisco de Leon ng Antipolo na inaprubahan na ng Vatican ang kanilang petisyon na itaas bilang international shrine ang nasabing cathedral.
Ibinahagi rin ng cathedral sa CBCP na ang Marso 25 ay ang araw kung kailan umalis sa sa lungsod ng Mexican sa Acapulco ang imahen ng Our Lady of Peace and Good Voyage sakay ng isang galleon 397 taon na ang nakalilipas.
Sa tatlong buwang paglalayag umano nito, kung kailan nakaranas din ang galyon ng hampas ng mga bagyo at halos masunog, ligtas pa rin itong nakarating sa baybayin ng Pilipinas noong Hunyo 18, 1626, kaya naman, iniugnay ang titulong Our Lady of Peace and Good Voyage sa nasabing imahen.