Nanawagan ang aktor na si "Raul Dillo" a.k.a. "Kapre" sa aktor at direktor na si Coco Martin na sana ay mabigyan siya ng trabaho.

Si Raul ay may tangkad na 7 feet kaya madalas ay gumaganap siyang "kapre," isang higanteng mythical creature sa mitolohiyang Pilipino, sa mga pelikula gaya ng "Code Name: Bomba" (1998), “Super Inday and the Golden Bibe” (2010), at “Spirit Warriors” (2000).

Batay sa ulat, may iniindang karamdaman si Raul kaya hindi siya nakapagtitinda ngayon ng mga panindang pagkain gaya ng lugaw, pansit, tinapa, balot, at gulay. Nawala pa umano sa kaniya ang tricycle na ginagamit niya sa pagbebenta.

Sa pamamagitan ng isang video message, nanawagan si Raul kay Coco na baka naman puwede siyang isama sa seryeng "FPJ's Batang Quiapo." Kilala kasi si Coco sa pagtulong sa mga artista o talent na nawalan ng hanapbuhay o raket, na isinama noon sa "FPJ's Ang Probinsyano."

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Well, kung mapagbibigyan siya, tiyak na hahanapan siya ng magiging karakter ni Coco, lalo't naibahagi na sa lahat na minsan, walang script-script ang linyahan dito, kundi nagbabato lamang si Coco ng sitwasyon at inaasahan niyang makita sa eksena, bahala na ang mga aktor na mag-adlib o luminya.

Mapapanood ang video ni Raul sa Facebook page na "3B Hoops."

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Coco tungkol dito.