Nasa 242 pa na sakong oil contaminated debris ang nakolekta ng gobyerno sa patuloy na paglilinis sa naapektuhan ng natapong langis mula sa lumubog na oil tanker sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro nitong Pebrero 28.
Sa Facebook post ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes, kabilang sa nakolekta ang tinatayang 6,050 kilong oil debris nitong Marso 15.
Aabot naman sa 1,000 litrong oily-water mixtures ang narekober ng Offshore Response Team.
Naglatag naman ng oil spill boom ang M/Tug Titan 1 at M/Tug Lidagat sa pinaglubugan ng oil tanker pitong nautical miles (halos 13 kilometro) hilagang silangan sa baybayin ng Balingawan Point, Lucta Point at Buloc Bay, upang makontrol ang pagkalat ng langis.
Isinailalim naman sa water sampling ang 10 lugar sa Naujan na kinabibilangan ng Brgy. Estrella, Sta. Cruz, San Jose, San Jose Proper, Melgar, Papangkil Beach (Melgar B), Buloc-Buloc (Mangrove Cove), Montemayor, Masaguing Marine Protected Area at Tungod Fish Sanctuary.
Gayunman, kinumpirma ngPCG Marine Science Technicians Deployment Response Group, na walang bakas ng langis sa mga nasabing lugar.