Bago lumipad sa South Korea ang produkto ng Dream Maker at all-Pinoy pop group na Hori7on, isang patikim na ang handog ng grupo sa fans!
Ito ay kasunod ng inilabas na music video teaser ng kanilang pre-debut single nilang “Dash” kamakailan.
Basahin: Mga nagwagi sa ‘Dream Maker,’ may bagong pangalan – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid
Tampok sa MV ang pitong miyembro ng pop group na sina Jeromy, Marcus, Kyler, Vinci, Reyster, Kim at Winston.
Visual, at pangmalakasang production na ang agad na napansin ng maraming fans sa anila’y promising para ipakilala ang grupo sa music industry.
Sa Facebook, umabot na sa mahigit 24,000 reactions at 143,000 views ang naturang teaser sa pag-uulat.
Habang halos 200,000 naman ang kasalukyang number of views nito sa YouTube.
Ang kantang “Dash” na isinulat ni K-pop music producer BULL$EYE ay unang naging materyal sa inabangang show na “Dream Maker.”
Samantala, ngayon pa lang ay inaabangan na ng maraming fans ang kabuuang MV.
Ang Hori7on ay parehong nasa pangangalaga ng ABS-CBN at Korean company na MLD Entertainment.
Bago ang kanilang opisyal na debut, nakatakdang lumipad ang grupo sa Hallyu capital para sumailalim sa matinding pagsasanay na pasok sa K-pop standard.