Nakisawsaw na rin sa umiinit na isyu sa pagitan nina Ogie Diaz at Liza Soberano ang mamamahayag na si Jay Sonza, matapos nitong maglabas ng kaniyang saloobin hinggil sa mga rebelasyong binitiwan ng aktres laban sa kaniyang dating talent manager.
Banat mismo ni Jay kay Ogie na madalas niyang nakakabangga sa social media, tila ginawang "gatasan" ni Ogie ang dating alaga pagdating sa pagkubra ng komisyon.
"EXPLOITATION TO THE MAX BA ANG TAWAG DITO? Ginawang gatasan iyong bata. Ito iyong halimbawa ng pagsasamantala habang kunwari ay pinangangalagaan mo ang kapakanan ng iyong alagang menor de edad," ani Sonza sa kaniyang Facebook post.
"Mantakin mo iyong manager may cut na 30% sa lahat ng kitaan sa kalakalan. Iyong tumayong guardian niya, na malapit na kamag-anak, naging talent scout commissioner pa. Sinagad pa ng network iyong pagiging ganid at humarbat pa ng porsiyento sa kitaan."
"Juskolord! Bale ba, 40 percent na lang iyong natira sa pinaghirapan ng pobreng bata. Hindi naman siguro nagsisinungaling itong si Binibining Elizabeth Hope Soberano."
"This young lady was a minor then when she started working in the entertainment industry. Off hand, we could already see some legal infractions on four (4) laws, a presidential decree on Child & Youth Welfare and a republic act on Violence Against Women and Children, a possible violation of the Labor Code and the Immigration Code of the Philippines."
"Baka naman gustong padalhan ng LOI (letter of investigation) ng BIR iyong manager, iyong guardian (uncle) ba yon? at iyong star magic/abs-cbn. Puwede ring kumilos iyong DSWD legal department for possible violation of PD 603 at RA on VAWC," aniya.
Sa isa pang Facebook post, sinabi ni Sonza na tila abuso ang ginawa kay Soberano.
"SIKAT KA NGA, PERO IBA ANG YUMAMAN SA KINITA MO."
"Ang nagdudumilat na katotohanan."
"Base on her recent revelations, and on account of the tax regime applied on taxable income, it would appear that her ACTUAL net income is roughly in the minimum of 28% ONLY."
"Tapos, dito pa kinukuha iyong up keep tulad ng wardrobe, jewelries, hygiene, mobility, iyong lambing o harbat ng mga movie reporters/announcers, bayad sa alalay, make up artist, etc."
"Mula sa gross amount of Contract/Engagement/Shoot or Taping Fees, kukunin ang mga komisyon ng talent manager (30%), guardian/talent scout/road manager (20%) and star magic/abs-cbn talent center (10%), plus other taxes (VAT, Income) and other mandatory & legal deductibles."
"EXPLOITATION BA ANG TAWAG DOON?"
"Abuso siguro ang akmang pagsasalarawan!"
Sa isa pang Facebook post, inungkat ni Sonza ang tungkol sa paghawak ni "manager" sa bank passbook at ATM ng mga alaga, na isang malinaw na criminal case daw.
"Bukod sa 30% commission, hawak pa ni Manager iyong Bank Passbook at ATM ng mga "alagang" artista/celebrity. MALINAW NA CRIMINAL CASE IYAN."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Ogie hinggil sa mga posts ni Sonza laban sa kaniya.