Inanunsyo ng Malacañang nitong Martes, Marso 14, na opisyal na holiday ang Abril 6 at 7, alinsunod sa pagdiriwang ng Mahal na Araw.
Ang nasabing deklarasyon ay upang bigyan umano ng sapat na pagkakataon ang mga Katolikong Pilipino na magnilay-nilay sa darating na Mahal na Araw.
"Bukod pa dito, nais din naming paalalahanan na idineklara rin ang Abril 10, Lunes, bilang Araw ng Kagitingan," saad ng Malacañang sa kanilang Facebook post.
Karaniwang ginugunita ang Araw ng Kagitingan bilang holiday tuwing Abril 9 na matatapat ngayong taon sa araw ng Linggo.
"Gamitin natin ang pagkakataong ito upang makapagbigay ng oras sa ating mga mahal sa buhay habang responsable tayo sa pagsunod sa mga health at safety protocols," anang Malacañang.
"Nawa'y maging mapayapa at makabuluhan ang panahong ito para sa lahat," dagdag nito.