Instant milyonaryo ang mag-ama mula sa Laguna matapos mapanalunan ang ₱11,631,365 jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola noong Pebrero 27, 2023. 

Kinubra ng mag-ama ang kanilang premyo kinabukasan matapos manalo, ayon sa ulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes. 

Ayon sa ama, dalawang beses niyang tinayaan ang winning combination na 25-4-11-35-15-09. Ibinigay niya sa kanyang anak ang isang lotto ticket at sinabi sa anak na maghahati sila kapag nanalo.

"Meron akong pinuntahan sa may Plaza, tumaya ako ng 1pm tapos pagbalik ko sa sasakyan ko bandang 3pm tumaya ulit ako ng parehong number. Pag-uwi ko sa bahay ibinigay ko sa kanya (anak) sabi ko tig-isa tayo kapag tumama hati tayo," aniya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa hindi inaasahang pagkakataon, napanalunan ng mag-ama ang jackpot prize. 

Ang naturang winning combination ay kombinasyon ng birth date at edad ng miyembro ng kanilang pamilya. 

Ayon sa anak na lalaki, "'Yun pong mga numbers na itinaya ng daddy ko ay mga dates po ng mga birthdays po namin at age ko po which is 35."

Samantala, sinabi rin ng anak na wala pa silang plano kung saan gagamitin ang kanilang napanalunan. 

"Wala muna po at this time, savings muna po. Ide-deposit muna po namin sa Bangko kasi paalis po sila Daddy this April. Pupunta po sila ni Mommy sa mga kapatid ko po sa Canada. Siguro pagbalik nila next year dun na po namin iisipin kung ano po gagawin sa pera but basically it is for our family's future."

Nagpasalamat ang mag-ama sa PCSO at pinatunayan nilang legit ang lotto dito sa bansa.

"Salamat po sa PCSO, sa loob ng mahigit 30 years kong pagtaya ay ginawa nyo akong Milyonaryo tsaka naniniwala na ako ngayon na totoo pala na may nananalo ng jackpot, dati kasi may agam-agam ako pero heto na ako ngayon hawak ko na ang tseke na nagpapatunay na nanalo ako. Salamat sa ating Panginoon," saad ng ama.

"Ako din mananaya din po ako ng lotto, siguro mga more than 5 years na pero sa totoo lang ako ay dudang-duda lalo na kapag lumalaki na ang jackpot. Iniisip ko po na kukunin lang ito ng mga politiko. Sorry for being frank, but the connotation is always like that kasi wala naman po akong kakilala na nanalo ng jackpot until such time na kami pala ni daddy ay mismong mabibiyayaan ng Diyos na manalo kaya panawagan ko po sa mga tao maniwala kayo sa lotto. Wala po itong daya at hindi po tayo niloloko ng PCSO kasi talagang may nananalo po ng jackpot at dalawa dun ay kami po ng Daddy ko," ayon naman sa anak.

Ang Mega Lotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.