Isiniwalat ng Maritime Industry Authority (MARINA) nitong Martes, Marso 14, na walang permisong maglayag ang MT Princess Empress na lumubog sa Naujan, Oriental Mindoro at naging dahilan ng pagkalat ng oil spill sa ilang mga baybay-dagat ng bansa.

Sa Senate hearing ng Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change sa oil spill sa Mindoro, ibinahagi ng MARINA na walang permit ang may-ari ng tanker para magsagawa ng nasabing operasyon.

May pending application umano ang kompanya para amyendahan ang Certificate of Public Convenience nito.

Patuloy pa rin ang pagkalat ng oil spill dahil sa paglubog ng naturang MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial oil noong Pebrero 28 sa Naujan Oriental Mindoro.

Sa pag-aaral ng University of the Philippines (UP) Marine Science Institute, maaaring umabot at makapinsala na rin ang nasabing oil sa Verde Island Passage (VIP) na siyang global center umano ng marine biodiversity at nagbibigay-benepisyo sa tinatayang 2-milyong indibidwal.

BASAHIN: Oil spill, maaaring umabot sa Batangas – UP experts